| Nation Building: Kaisa Tayo!
—mula KHC hanggang Baseco, bigyan man o hindi bigyan ng medalyang tansan By Joaquin Sy |
Nang dahan-dahang tuntunin ng dalawang bus na may sakay na mga sandaang delegado ang makitid at maputik na daan papasok sa Baseco, tumambad sa atin ang katotohanang ang Lupang Hinirang nga ay isang napakagandang bayang pinapangit ng malawak, labis-labis na kahirapan. |
| Iyo´y sa hapon ng Pebrero 22, ang ikalawang araw ng 3rd National Tsinoy Convention. Ang pagdalaw sa Baseco, at sa Smokey Mountain pagkatapos, ay bahagi ng programa ng dalawang araw na kumbensiyon na ginanap sa Kaisa Heritage Center o KHC at dinaluhan ng mga 270 delegado mula sa iba´ ibang bahagi ng kapuluan. At ang pagpapakita sa mga delegado sa mukha ng kahirapang nagpapangit sa Lupang Hinirang at ang paggigiit na may magagawa tayo at marami tayong dapat gawin para baguhin ang mukha ng kahirapang ito ang nagsilbing tema ng dalawang araw na kumbensiyon. Malinaw at tiyak ang hamon at panawagan: Nation Building, Kaisa Tayo! |
| Kulang ang nagagawa
Iyon ang binigyang diin natin sa ating welcome remarks sa pagbubukas ng kumbensiyon. Ikinuwento natin na nang interbyuhin sa isang programa sa radyo, tinanong tayo kung ang mga Tsinoy ba´y nagpupulong dahil alam nilang kulang ang nagagawa nila para sa pagbaka sa kahirapan. Sinabi nating totoong kulang ang nagagawa ng mga Tsinoy, pero hindi mga Tsinoy lang ang kulang ang nagagawa. Maging ang ibang kapwa Pinoy ay kulang ang nagagawa, dahil habang ang kay gandang bayang ito ay pinapapangit ng malawak at labis-labis na kahirapan, habang maraming kababayan ang walang makain, walang matirhan at hindi makapag-aral, hinding–hindi natin masasabi na sapat na ang ating nagagawa. Sinabi natin iyon pagkatapos ng dramatikong video clip na hiniram sa Gawad Kalinga at ng dramatiko ring rendisyon ng pambansang awit mula sa grupong Hibla sa pamamagitan ng mga katutubong instrumento. At mabilis na dumaloy ang dalawang araw na kumbensiyong mga apat na buwan ding pinaghandaan ng Kaisa Para Sa Kaunlaran. At hindi nasayang ang paghahandang ito kung iisiping sa anumang pamantayan ay maituturing na matagumpay ang kumbensiyon. Una sa lahat ay labis na ikinatuwa ng mga delegado ang mga de kalidad na tagapagsalita. ‘Ika nga ng ating kabalikat at katuwang sa buhay na dumalo kasama ang ilang kapwa guro, sa keynote address pa lamang ni Jesse Robredo, Ramon Magsaysay Awardee at matinik na mayor ng Naga ay sulit na ang pagdalo sa kumbensiyon. |
Hamon ni Robredo Ibinahagi ni Mayor Robredo kung papaanong pagkatapos mahalal bilang alkalde sa murang edad na 29 at mahinang mandatong 24 porsiyento lamang ng mga botante, kinatulong at pinakilos niya ang iba´t ibang sektor ng lipunan sa pamamahala sa lunsod. At sa halip ituring na pabigat, ang mga maralita ay itinuring niyang kabalikat para sa kaunlaran. Kaya naman pagkatapos ng ilang taon, nagawa niyang bawasan ang karukhaan sa siyudad, napataas ang kita ng mga mamamayan at naibaba ang bilang ng mga walang hanapbuhay.
Malinaw ang mensahe ni Robredo sa mga kapwa Tsinoy. Sinabi niya, "Our forebears who had been here long before the Spaniards came have made us part of our nation´s history and heritage, with their blood and tears. It behooves upon us to nourish that noble sense of unwavering patriotism, not only as Tsinoys, but more so as fellow Filipinos."
Lalong malinaw ang hamon niya. Kailangan nang patunayan ng mga Tsinoy, aniya, na sila´y mga de kalidad na human resources at hindi mga financial resources lamang. Sa madaling sabi, panahon na para ang mga Tsinoy ay matigil sa pagiging gatasang baka. |
| Gawad Kalinga at iba pa Tungkol naman sa mga gawain niya sa pagtulong sa mga Mangyan at iba pang katutubo ang ibinahagi ni John Ong, TOYM awardee at kasapi ng Kaisa. Sa isang banda´y mga kababaihan at kabataan ang pinagtuunan ni Deanie Ocampo Go, director ng Kaisa. Natatandaan natin na nang sumumpa ang bagong board ng Kaisa sa harap ni Ka Poneng, lider maralita, noong Agosto ng nagdaang taon, may kinalaman sa pagkalinga sa kababaiha´t kabataan ang commitment ni Deanie. Malinaw na sineseryoso niya ang kanyang commitment, at mataas ang gradong ibinibigay natin sa kanya sa ating scorecard bilang pangulo ng Kaisa. Sa tulong ng mahusay na video presentation, makulay at malinaw ang pagpapakilala at pagpapaliwanag ni Tony Meloto, executive director ng Gawad Kalinga, sa pambansang programang naglalayong magkaloob ng disenteng tirahan sa mga maralita upang itaas ang kanilang dignidad bilang tao at kasabay nito´y isulong ang katiwasayang panlipunan. Tiyak na nakatulong din nang malaki para maintindihan ng mga delegado ang diwa at layunin ng Gawad Kalinga ang makulay na bahay na itinayo sa mismong lobby sa ikalawang palapag ng KHC. Ang totoo, hindi mahirap makita ang kabuluhan ng programang Gawad Kalinga, kaya naman nang yayaing lumahok ang Kaisa ay hindi tayo nagdalawang-isip, lalo na nang nagpahayag ng suporta ang mga kaibigan natin sa komunidad na Tsinoy. At bagama´t madalas na sablay ang trato sa atin bilang partner, gagawin natin ang ating magagawa para kumbinsihin ang komunidad na suportahan ang programa, dahil sa huling pagtutuos, hindi silang mga madalas sumablay ang makikinabang sa programa kundi ang pinakamaralita sa mga maralita. |
Malinis na kubeta
Corporate social responsibility naman ang tema ni Cecilio Pedro, TOYM awardee at Jose Rizal Awardee at masigasig na tagasuporta ng Kaisa. Ang totoo, maraming taon bago pa naging bukambibig ang mga terminong gaya ng corporate social responsibility at corporate citizenship ay totohanang isinasapraktika na ito ng tagagawa ng Hapee toothpaste. Isa sa tatlong manggagawa niya ay pipi at bingi. Naniniwala siya na hindi baleng mabawasan ang kita ng mamumuhunan, basta´t magampanan ang mga tungkulin sa gobyerno, sa mga empleyado at sa lipunan.
Tiyak na natanim sa isip ng mga delegado ang isa sa mga pamantayan ni Cecilio Pedro para sukatin ang malasakit ng mamumuhunan sa kanyang mga empleyado: palikurang malinis at maaaring matulugan.
Nang magtungo sa Baseco ang mga dalawampung kasapi ng Kaisa noong Pebrero 25 para lumahok sa pagtatayo ng mga bahay para sa mga biktima ng sunog, ang yunit na itinayo natin ay katapat ng yunit na ipinagawa ng Hapee. At gaya ng Kaisa, si Cecilio Pedro ay nangakong mag-aambag ng 50 yunit para bumuo ng isang nayon o village sa Baseco. Ewan kung ano ang itatawag niya sa kanyang village, pero ang sa Kaisa ay tatawaging Nayong Tsinoy, dahil ang perang gagamitin ay mula sa komunidad na Tsinoy. |
| Bolunterismo
Pagkatapos ng mahusay na talumpati ni Cecilio Pedro, na nagpanatiling gising sa mga delegadong katatapos mananghalian at dapat sana´y pinaglalabanan ang pamimigat ng talukap ng mga mata, magkasunod na nagsalita sina Corazon de Leon, dating DSWD secretary at Damian delos Santos, kinatawan ng Olongapo City Volunteers. Tinalakay nila ang diwa ng bolunterismo at ang maliliit at malalaking bagay na maaaring gawin ng mga volunteer upang makatulong sa pamayanan. Pagkuwa´y ibinahagi ng ating kumpareng Go Bon Juan, tagapayo ng Kaisa, ang tulang sadyang sinulat niya para sa kumbensiyon. (Tingnan ang nakaraang isyu ng Tulay). Sinabi sa tula na kay raming problema ng bansa at hindi maaaring iasa sa pamahalaan lamang, kaya´t kailangan ng mga Tsinoy na aktibong makilahok sa mga gawain at proyektong panlipunang babaka sa kahirapan at makapagpapatatag sa bansa. Isinalin natin ang tula sa Pilipino, gaya ng tulang pumaksa sa kasaysayan ng mga Tsino sa Pilipinas na sinulat ng ating kumpare para sa 2nd National Tsinoy Convention na idinaos sa Bacolod noong 1996. (Sa Tagaytay idinaos ang unang pambansang kumbensiyon noong 1994, at gaya ng pangalawa, pumaksa ito sa isyu ng integrasyon.) |
| Natatanging handog
Sa ikalawang araw ng kumbensiyon, tinalakay ni Dr. Federico Macaranas ng AIM ang konsepto ng servant leadership o punong-lingkod. Bago maging mahusay na lider ang isang tao, aniya, kailangan munang matuto siyang maglingkod. Pagkuwa´y tinalakay ni Geronimo Sy, bise presidente ng Kaisa, ang mga konseptong may kinalaman sa pagsasagawa ng mga proyektong pangkaunlaran. Pinakahuling nagsalita si Ambassador Jesus Tambunting, tinanghal na management man of the year para sa 2003. Tinawag na social entrepreneur at banker with a social purpose, ibinahagi niya ang pagtulong niya sa mga SME, maliliit at katamtaman ang laking mga negosyo. Tuwang–tuwa ang ambahador nang pagkatapos niyang magsalita ay ihandog sa kanya ng mga opisyal ng Kaisa ang isang nakakuwadrong artikulo tungkol sa kanyang lolong si Ildefonso Tanbunting, ang anak ng unang Tan Bun Ting na dumating sa Pilipinas sa pagitan ng 1821 at 1850. Lumabas ang artikulo sa isyung 1935 ng souvenir book ng Philippine Chinese General Chamber of Commerce. "This is truly a treasure. I´ll hang it in my office," tuwang–tuwang sabi niya habang nakatitig sa kuwadro. |
Pagbuo ng konseho
Gaya nang nasabi na´y mataas ang kalidad ng mga inilinyang tagapagsalita sa kumbensiyon. Pero higit pa sa mga tagapagsalita ay ang palitan ng ideya ng mga delegado sa dalawang workshop na isinagawa sa una at ikalawang araw ng kumbensiyon.
Sa mga workshop ay tinukoy ng mga delegado ang mga kailangang gawin sa kanya–kanyang rehiyon. Ikinumpara nila ito sa mga nagagawa na nila at nagkasundo sila na malaki–laki ang pagitan ng dapat gawin at mga nagagawa na. Dahil dito´y iminungkahi ng ilang delegado ang pagbuo ng isang coordinating council o konseho para sa mas mahusay na koordinasyon ng iba´t ibang proyektong panlipunan ng mga Tsinoy.
Kaya naman pagkatapos magsalita ni Ambassador Tambunting, inimbita natin sa entablado si Merlie Pimentel ng Charity First para pormal na imungkahi ang pagbuo ng konseho. Ipinabasa rin natin kay Deanie Go ang borador ng manipestong sumusuma sa diwa ng dalawang araw na kumbensiyon.
At nang ang mungkahi ni Ms. Pimentel at ang manipestong binasa ni Deanie ay ginantihan ng mainit na palakpakan ng mga delegado, inanyayahan natin sila para umakyat sa entablado at pumirma sa tatlong malalaking pact of solidarity na inihanda na natin bago pa man nagsimula ang kumbensiyon.
At ang masiglang pirmahan ay sinundan ng madamdaming pag–awit ng Pilipinas Kong Mahal sa Pilipino at Hokkien sa pangunguna ni Ang Chak Chi, dating pangulo at ngayo´y EVP ng Kaisa, na siyang tumayong emcee sa kumbensiyon, kasama ni Meah See.
Pagkatapos ng awitan ay nakita nating nagpapahid ng luha ang ilang katabi natin. |
| Tagumpay at prestihiyo Pero tayo´y labis–labis ang nadaramang tuwa at tagumpay para makadama pa ng pagluha. Ang pagtatatag ng konseho, palibhasa, ang tunay na hangarin natin sa pagdaraos ng kumbensiyon. Nais natin na mabuo ang networking ng mga Tsinoy sa buong kapuluan. Kung dahil lang dito´y masasabi nating isa ngang malaking tagumpay ang 3rd National Tsinoy Covention. Tingnan na lang ang mga siyudad, probinsiya at rehiyong pinagmulan ng mga delegado: Davao, Butuan, Cotabato, Cagayan de Oro, Zamboanga del Norte, Misamis Oriental, Iloilo, Cebu, Bacolod, Dumaguete, Palawan, Mindoro, Bicol, La Union, Dagupan, Pampanga, Bulacan, at siyempre pa, Metro Manila. At bagama´t malaki ang pagsisikap sa pag–imbita sa mga delegado, hindi natin inakala na ang isang kumbensiyong tatalakay sa isang napakaseryosong tema ay dadaluhan ng 270 katao. Dapat ding banggitin na ang kumbensiyon ay sinuportahan ng 20 sponsor. Sa isang tiyak na antas ay gusto nating tingnan ito bilang malinaw na sukatan ng kakayahang magmobilisa ng Kaisa Para Sa Kaunlaran. Higit sa lahat, gusto nating tingnan ito bilang sukatan ng katumpakan ng landas na ating tinatahak. Tunay na matibay ang prestihiyong naitatag ng ating samahan sa nakalipas na 16 taon. Kailangan lang puhunanin ang matibay na prestihiyong ito para lalo pang isulong ang mas matatayog nating mga layunin. |
| Pagpupunla
Siyempre pa, dapat banggitin ang pagsisikap ng ating mga kasapi para maging matagumpay ang kumbensiyon. Ito ang isang pagkakataong muling pinagsama-sama ng ating mga kasapi ang kanya–kanyang kakayahan para maglunsad ng isang matagumpay na proyekto. At higit pa sa kakayahan ay ang kahandaang magsakripisyo at mag–ukol ng panahon para sa samahan. Ilang kasapi natin ang natulog sa opisina ng Kaisa sa panahon ng kumbensiyon. At tiyak na magiging isang klasiko, bagama´t nakakalibang na ehemplo ng pagsasakripisyo ang pangyayaring nalimutang sunduin ni Sheallene Yeo ang anak mula sa eskwela dahil masyado siyang naging abala sa paghahanda ng mga convention kit. Pero kung iisipin ang mga nagawa natin sa pamamagitan ng kumbensiyon, lalo na ang pagkabuo ng konseho at networking, namunga nang masagana ang pagod at sakripisyo natin. Sa pamamagitan ng mga ito´y lalo pa nating napatatag ang pundasyon at napalawak ang impluwensiya ng Kaisa. Ang mga ito ay mahalaga para isakatuparan ang hangarin nating ituon ang mga gawain sa pambansang kaunlaran at pagbaka sa kahirapan. Higit sa lahat, naipunla natin ang mga binhing kung walang sawa nating pagyayamanin ay tiyak na magdudulot sa atin ng masagang ani sa mga darating na taon. |
| Paglahok sa Baseco Samantala, noong Pebrero 25 nga, kahit hindi pa lubusang nakapagpapahinga ay muling tinunton ng mahigit 20 kasapi natin ang maputik na daan patungong Baseco, hindi na para tunghayan lamang ang malawak na kahirapang nagpapangit sa Lupang Hinirang kundi upang tumulong, kahit paano, sa pagbabago sa malawak na kahirapang ito. Mula sa paghahanda ng programa at eksibit, paghahain ng mga ideya at iba pang gawain kaugnay ng dalawang araw na kumbensiyon, lumahok ang mga kasapi natin sa paghalukay ng graba at simento, pagsalansan ng mga hollow block, pagpatag ng lupa, pagkabit ng dingding at iba pang gawaing kaugnay ng pagtatayo ng bahay para sa mga biktima ng sunog. Tinawag na People Pawis, ang mga aktibidad sa Baseco ay bahagi ng paggunita sa ika-18 anibersayo ng Edsa 1. Kasama natin ang Lingnam Martial Arts Association na nagdala ng tatlong leon para magtanghal para sa mga taga–Baseco. Kasama rin natin ang grupo nang lumahok tayo sa paglulunsad ng Gawad Kalinga bilang pambansang kilusan sa The Fort sa Makati noong Oktubre 4 ng nagdaang taon. Ang ingay ng mga tambol at sigla at gilas ng mga leon ay tiyak na nagbigay ng malinaw na elementong Tsinoy sa dalawang okasyon. Kasama rin natin sa pagtungo sa Baseco ang isang ambulansiya ng East Binondo Volunteer Fire Brigade. Ang mga volunteer fire brigade ay mga maaasahang partner din ng Kaisa sa mga gawaing kaugnay ng peace and order at mga proyektong panlipunan. Bagama´t sinabi ni Gaudencio Rosales, arsobispo ng Maynila, na ang Edsa 1 ay nauwi lamang sa malaking piyesta, at bagama´t nagtataka tayo kung bakit tila mas pinaghandaan pa ng mga namahala sa aktibidad sa Baseco ang konsiyerto ng maingay na tugtugan at yugyugan (piyesta nga, piyesta!) kaysa mismong pagtatayo sa mga bahay, nakapagpapasigla pa ring tingnan ang mga sundalo, pulis, matrona, estudyante´t kabataan na nagpapasahan ng saku–sakong buhangin at bato at tulong-tulong sa pagbuo ng bagong komunidad sa Baseco. |
| May tansan o wala
Nang umuwi sa bahay nang hapong iyon, kasama ang tanging anak na binatilyong sumama rin sa Baseco, napansin ng ating kabalikat at katuwang sa buhay ang mukha, leeg at mga bisig na nasunog sa sikat ng araw. "Uy, kay dakila, ni hindi naisip protektahan ang sarili," pabirong sabi, may halong pag–aalala at paninisi. Bibigyan niya raw kami ng medalyang tansan. Anong kulay raw ang gusto namin? Ang totoo, habang sinusulat natin ang artikulong ito, marami tayong naiisip. Naiisip natin ang sinabi ng arsobispo. Naiisip natin si Elmer Reyes Jacinto, ang medicine topnotcher na desididong magtrabaho bilang nurse sa land of milk and honey. (Isang sintomas ng demoralisasyon at kawalang pag–asa sa Lupang Hinirang!) Naiisip natin ang banta ni Da King na "ang agilang ito ay lilipad patungong Malakanyang!" at ang banta naman ng marami nating kababayan na lilipad sila papunta kahit saan kung mamumugad ang agila sa Malakanyang. Naiisip natin kung papaanong ang idolo ng ating kamusmusan, siya na kay bilis ng mga kamao laban sa mga maton at lalong kay bilis ng mga baril laban sa mga Hapon, ay nagmukhang mag-aaral sa elementarya na kakaba–kaba at uutal-utal sa harap ng guro nang interbyuhin ni Max Soliven sa Impact. "I´m not a man of words. I´m a man of action," sabi niya, di naitago ang pagkatuliro sa mga matang di naitago sa likod ng shades. Ayy, posible siyang maging pangulo ng Lupang Hinirang! Pero higit sa lahat, naiisip natin ang pact of solidarity, naiisip natin ang binuong konseho, naiisip natin ang mga binhing naipunla natin at ang mga aning maaaring mapasaatin kung ang mga binhi ay ating pagyayamanin, at naiisip natin na gaano man katotoo ang sinabi ng arsobispo, mag–alisan mang lahat ang lahat ng gustong umalis sa Lupang Hinirang, at kahit sino pa ang mamugad sa palasyo, tiyak na may magagawa tayo sa ating maliit na sirkulo, bigyan man o hindi bigyan ng medalyang tansan. Dahil tayo ay Tsinoy, at sa nation building, kaisa tayo! |
| Source: Tulay Fortnightly, March 9, 2004BACK
HOME |