| Sumusulpot na parang kabuti ang mga bahay
— Mga tala hinggil sa paglahok ng mga Tsinoy sa Gawad Kalinga ni Joaquin Sy |
| Houses are sprouting like mushrooms, sabi ng text sa atin ni Lily Go, presidente ng Negros Kaisa, mga tatlong linggo matapos pasinayaan at ihandog sa 48 maliligayang pamilya ang isa na namang Nayong Tsinoy sa Baseco, Tondo, at ilang araw pagkatapos na maitayo ang unang dalawampung bahay sa ginagawang GK Tsinoy Village sa Escalante, Negros Occidental. |
Sprouting like mushrooms. Sumusulpot na parang kabuti. Sabihin pa´y isa itong idiomang kanluranin. Sa mga Tsino, hindi kabuti kundi labong ang ginagamit sa idioma. Sumusulpot na parang labong pagkatapos ng ulan. Sa gayon ipinapahayag ng mga Tsino, na mahilig din naman sa kabuti ngunit tila mas natatakam sa labong, ang mabilis na pagsulpot ng mga bagay-bagay.
Nagsusulputan nga marahil ang mga bahay, sa Baseco man o sa Escalante, at sa iba pang sulok ng Pilipinas, ngunit hindi laging sindali o simbilis ng pagsulpot ng kabuti o labong.
Gaya ng unang Nayong Tsinoy na naitayo ng Kaisa Para Sa Kaunlaran sa Baseco sa tulong ng komunidad na Tsinoy noong kalagitnaan ng Hunyo nang nakaraang taon at ng Oishi Village na pinasinayaan sa Baseco pa rin noong Pebrero ng taong kasalukuyan (sa suporta naman ni Mr. Carlos Chan, may–ari ng kompanyang tagagawa ng Oishi at ng Philippine Soong Ching Ling Foundation, isang samahang Tsinoy na nagsasagawa ng mga proyekto para sa kabataa´t kababaihan), ang ikalawang Nayong Tsinoy na pinasinayaan noong kalagitnaan ng Mayo ay nangailangan ng hindi basta-bastang trabaho at malasakit bago "sumulpot na parang kabuti."
At sa lahat ng ito´y malaki ang naging hirap at sakripisyo ni Anabel Chua Lim, bise presidente ng Kaisa, na matiyaga at maraming beses na nagpabalik-balik sa Baseco para tiyaking naitatayo nang maayos ang mga bahay.
Kaya naman minsa´y nasabi sa atin ng ating kumpareng Go Bon Juan, adviser ng Kaisa, na responsable si Anabel, at malaki ang pagpapahalaga sa tungkulin sa samahan. At siyempre pa´y wala tayong nasabi kundi "Oo nga, talagang responsable siya." At isiping abala din naman si Anabel sa pagtulong sa negosyo ng pamilya at sa mga tungkulin sa asawa at dalawang anak, na kapwa maliliit pa.
Isa na namang malinaw na patunay na sa Kaisa, ang anumang tunay na makabuluhang gawain ay lagi nang may kaakibat na pag-aalay at sakripisyo. |
| Kaya siya mainipin
Alas-nuebe ng umaga ng Mayo 19 nang pasinayaan ang ikalawang Nayong Tsinoy, na mula sa kagandahang-loob ni Ambassador John K. C. Ng, ang Special Envoy for Chinese Affairs ng Pangulong Arroyo. Iyon nga ang ikatlong GK village na dumaan sa Kaisa ang pondo o donasyon mula sa mga Tsinoy. Sumunod iyon sa unang Nayong Tsinoy at sa Oishi Village, na kapwa nasa Baseco rin. Simple ang seremonya ng pagpapasinaya, na nag-umpisa sa takdang oras (alas–nuebe) ayon sa tradisyon ng Kaisa. Nagtipon–tipon sa gitna ng dalawang hilerang bahay ang mga benepisyonado, mga opisyal ng Gawad Kalinga sa pangunguna ni Usec. Jose Tale, ang kinatawan ni Amb. Ng na si Michael Ng, at mga kasapi ng Kaisa sa pangunguna ni Ang Chak Chi, presidente. Pagkatapos ng welcome remarks ni Chak, na umikot sa hangaring nawa´y magpatuloy ang malugod na pagtutulungan ng Kaisa at ng Gawad Kalinga, ipinakilala natin si Amb. Ng, upang kahit paano´y magkaroon ng ideya tungkol sa kanya ang mga pamilyang tumanggap ng mga bahay.
Isang matagumpay na negosyante si Amb. Ng, sabi natin, ngunit ang totoong katangi–tangi sa kanya ay ang tunay na malasakit niya sa Pilipinas at sa mga Pilipino. Naniniwala siya na kaybuti ng naging pagtanggap ng mga Pilipino sa mga Tsino nang dumating ang mga ito mula sa Tsina, kung kaya´t ngayong nakaaalwan sila sa buhay, dapat lang na tumanaw sila ng utang na loob sa mga Pilipino. Dapat lang na makilahok sila sa paglikha ng mas maginhawa at mas disenteng buhay para sa mga maralita.
(Sinabi niya sa atin pagkaraan na sinugo niya ang anak na si Michael para makita nito ang kalagayan ng mga maralita, at para maengganyo ring makilahok sa kawanggawa.)
Kaybuting tao nga ni Amb. Ng, sabi natin, ngunit mayroon siyang isang kapintasan. At nang sabihin natin iyo´y tumahimik ang mga nagtitipon–tipon, tila nabitin ang hininga, nagtataka marahil kung ano´t pipintasan natin ang isang masigasig na tagasuporta ng Kaisa. At sa harap pa mandin ng anak at kinatawan nito.
Ang kapintasan ni Amb. Ng, sabi natin, ay ang kanyang pagkamainipin at labis na pagmamadali. Sa tuwing makakausap nati´y paulit-ulit ang tanong kung kailan matatapos ang pinopondohan niyang GK village. At binitiwan natin ang punchline: Pero kaya siya nagmamadali ay gusto niyang magbigay pa ng pondo para sa mas marami pang Nayong Tsinoy.
At nagpalakpakan sa tuwa ang mga nagtitipon–tipon, lalo na ang mga taga–Baseco. |
| Kamay na hindi nakikita
Sumunod na nagsalita si Usec. Tale, na siyang nag–imbita sa Kaisa, sa tulong ng kaibigan nating si Pedro Madarang, presidente ng Cantonese Association, para lumahok sa Gawad Kalinga isa´t kalahating taon ang nakaraan. Parang pinagtiyap ang mga pangyayari, ani Usec. Tale. Parang may kamay na hindi nakikitang umayos sa mga bagay–bagay. Sa mismong araw na inimbita niya ang Kaisa na magpadala ng kinatawan sa pulong tungkol sa paglahok ng iba´t ibang sektor sa Gawad Kalinga, naging bisita naman ng Kaisa si Amb. Ng, na nagmungkahing magsagawa ang Kaisa ng proyekto para ibsan ang matinding pangangailangan sa bahay ng mga maralitang tagalunsod. Handa siyang tumulong, aniya. Handa siyang kausapin ang mga kaibigan para tumulong din. Handa siyang tulungan ang Kaisa para mangalap ng pondo sa komunidad na Tsinoy. Kaya naman nang bumalik sa Kaisa ang kinatawan natin sa pulong na si Geronimo Sy at iulat ang mga napag-usapan, agad tayong nagpahayag ng kahandaang lumahok sa Gawad Kalinga, at iyo´y dahil batid nating nasa likod natin si Amb. Ng. At ang Kaisa nga ay naging aktibo at masigasig na partner ng Gawad Kalinga. Sana´y lumawig pa ang pagtutulungan ng Kaisa at Gawad Kalinga, sana´y makapagpatayo tayo ng mas marami pang bahay sa tulong ng komunidad na Tsinoy, pangwakas na panawagan ni Usec. Tale sa kanyang talumpati. |
| Bagong bahay, bagong buhay
Sumunod ang pagtatanghal ng mga Sagip Kids ng Baseco. Sa pamamagitan ng awit ng Gawad Kalinga, ipinarating ng maliliit na tinig ang hangaring makaahon mula sa kahirapan, gayundin ang pagkakaisa ng mga kababayan. Anang isang bahagi ng awit: Gawad pag–ibig, Gawad Kalinga⁄ Ito´y kailangan upang magkaisa⁄ Pilipino pag kumilos kakayanin ang lahat⁄ Bagong bahay, bagong buhay, bagong bayan… Eto pa: Kapit–bisig, kapitbahayan⁄ Isulong ang naghihirap na bayan⁄ Sa ngalan ng Diyos mangyayari ang lahat⁄ Mahirap at mayaman magtulungan. Tunay na hindi bagong bahay lang ang handog ng Gawad Kalinga sa mga maralitang kababayan. Ito´y nagbibigay–pag–asa sa kanila at humahamon sa kanilang lumikha ng bagong buhay. Ito´y bumubuo ng mga bagong komunidad at nagtatatag ng isang bagong bayan. Tunay rin na kailangan ang pagkakapit–bisig para maisulong ang bayang iginupo at pinapangit ng labis–labis na kahirapan. ‘Ika nga ng mga taga–Gawad Kalinga, "In this country there is no lack of resources, only a lack of sharing." |
| Salamat! Salamat!
Sumunod na nagsalita ang ilang kinatawan ng mga pamilyang mapalad na nakatanggap ng mga bahay. Sabihin pa´y abot–abot ang pasasalamat nila sa Gawad Kalinga, sa Kaisa, at lalung–lalo na sa nagkaloob ng pondo para maitayo ang mga bahay. Nagsalita rin si Anabel Chua Lim, na abot–abot din ang pasasalamat. Pasasalamat dahil natapos na rin sa wakas ang isa na namang Nayong Tsinoy, na matiyaga at masigasig nga niyang sinubaybayan at binalik-balikan para tiyaking magagawa nang maayos, isang katangian palibhasa ng Kaisa ang pagiging siyento por siyentong responsable sa pondong dumadaan dito mula sa mga donor. Bilang vice president for programs, si Anabel din ang tumitiyak na nagagamit nang maayos ang pondo para sa Alay Medisina. Pinasalamatan din ni Anabel ang mga taga–Baseco at mga opisyal ng Gawad Kalinga na nakatulong niya sa pagtutok sa proyekto. Sa dami ng oras na ginugol ni Anabel sa Baseco, natitiyak nating napalapit siya at maraming naging kaibigan sa pook na iyon. Sa isang oras na programa ay tahimik lang na nakaupo si Michael Ng. Maya´t maya´y ngumingiti at pumapalakpak. Pero siya ang tumapos sa programa. Siya ang huling nagsalita. At maikli man ang talumpati niya, iyo´y makahulugan. Dumating ang ama niya sa Pilipinas, aniya, na walang dala kundi ang damit na suot sa katawan. Ngunit sa sipag at tiyaga, unti–unting umunlad hanggang narating ang kasalukuyang katayuan. Kaya naman naniniwala ang kanyang ama sa paggawa ng kabutihan at pagtanaw ng utang na loob sa lipunan. Nawa´y magsikap ang mga kabataan sa Baseco, aniya. Malay natin, isa sa kanila ang maging future John Ng, pagtatapos niya. At natapos ang pagpapasinaya sa masayang palakpakan, kamayan at taimtim na pangakong ipagpapatuloy ang pagtutulungan. |
| Isa nang disenteng komunidad
Dahil maaga pa nang dumating sa Baseco nang umagang iyon, nagkaroon tayo ng pagkakataong lumibot at magmasid kasama ang mga kapwa–kasapi sa Kaisa. At napansin natin na malaking–malaki na ang ipinagbago ng pook na iyon na minsang tinawag na engineering island at siyang pinagpiitan ng mga migranteng Tsinong kulang ang papeles at dokumento, kumpara sa nakita natin nang itinatayo ang unang Nayong Tsinoy bago natapos ang 2003. Salamat sa tulong ng mga kompanya, samahan, dayuhang pamahalaan, mga pamilya at indibidwal na sumuporta sa Gawad Kalinga, kaygandang tingnan ang hilea–hilerang mga bahay, na makukulay at maayos ang pagkakagawa. Mayroon pang maliit na taniman ng bulaklak sa harap ng bawat bahay. Higit sa lahat, pawang nakangiti at masasaya ang mga tao, bata man o matanda. Sa tantiya nati´y kulang–kulang sanlibong bahay na ang naitatayo sa Baseco sa pamamagitan ng Gawad Kalinga, at mga 150 yunit nga rito ang dumaan sa Kaisa. Bukod dito´y para ngang kabuting nagsulputan rin ang mga bahay na ipinatayo ng Habitat, na bagamat iba ang disenyo sa Gawad Kalinga, ay nagkaloob rin ng disenteng tirahan sa tantiya nati´y kulang-kulang din na sanlibong pamilya. Anupa´t isa na ngang disenteng komunidad ang Baseco. At dalawang linggo pagkatapos pasinayaan ang nayong handog ni Amb. Ng, nalaman natin mula kay Raul Dizon, Metro Manila coordinator ng Gawad Kalinga, na may tatlo pang GK village (48 bahay ang isang village) mula sa iba´t ibang donor na dapat nilang itayo sa Baseco pero hindi maitayo dahil medyo nahuhuli sa land development ang pamahalaang lungsod ng Maynila. Nalaman natin iyon nang tawagan natin si Mr. Dizon, matapos na tawagan naman tayo ni Amb. Ng para ipatanong kung may lupa pa bang puedeng tayuan sa Baseco, dahil may nakumbinsi siyang Buddhist group na gustong sumuporta rin sa Gawad Kalinga. Sa gayo´y nagkasundo kami ni Mr. Dizon na hahanap siya ng ibang lugar sa Metro Manila na puedeng tayuan ng GK village na iaambag ng Buddhist group. |
Sa Escalante naman
Samantala, parang kabuting sumusulpot nga rin ang mga bahay sa Escalante, Negros Occidental, na minsang naging notorious dahil sa Escalante massacre.
At ang lahat ay nag-umpisa sa palitan ng text ni Lily Go at ng ating kumpareng Go Bon Juan. Iyo´y pagkatapos na maghandog ng mahigit isang ektaryang lupa ang pamilya ni Mayor Santiago Barcelona (Espanyol na Espanyol man ang pangalan ay isa siyang tunay na Tsinoy na mahal na mahal ng kanyang mga kababayan dahil sa tapat at malinis na paglilingkod) para tayuan ng GK village. Nagkataon namang ikasampung anibersaryo ng pagkakatatag ng Negros Kaisa at naghahanap ang mga opisyal nito ng makabuluhang proyekto. Sa gayo´y ipinasya nilang akuin ang pagpapagawa ng GK village na binubuo ng pitumpung bahay sa lupang inihandog ng pamilya Barcelona.
Nang malaman natin mula kay Bon Juan ang balak ng Negros Kaisa, agad nating hiningi ang tulong ni Amb. Ng, at ni hindi tayo nagdalawang salita. Sinagot niya ang limampung bahay sa Escalante. Ang natitirang dalawampu, palibhasa, ay nauna nang ipasyang hingin ng Negros Kaisa sa mga Tsinoy sa Negros.
Minabuti rin ni Amb. Ng na ang dalawampu sa limampung bahay na sinagot niya ay idaan sa Dong Shi Hometown Association, isang samahang itinatag niya walong taon ang nakaraan, sa kagustuhang palawigin ang suporta ng komunidad na Tsinoy sa Gawad Kalinga. |
| Pagtanaw ng utang na loob
Sa pagdiriwang ng ikawalong anibersaryo ng naturang samahan, bago iniabot ng mga opisyal nito ang tseke para sa dalawampung bahay (isang milyong piso), nagtalumpati si Amb. Ng bilang inducting officer. Minsan pa´y nanawagan siya para sa mas masigasig na paglahok ng komunidad na Tsinoy sa paglutas sa problema ng kahirapan sa bayang kumupkop at kumalinga sa mga migranteng Tsino. Tahasang nanawagan siya para baguhin ang tunguhin ng paglilingkod ng mga samahang gaya ng Dong Shi, mula sa paglilingkod sa komunidad na Tsinoy at sa bayang iniwan sa Tsina tungo sa paglilingkod sa mas malawak na lipunang Pilipino. Aniya, "Nananawagan akong baguhin ng ating samahan ang tunguhin ng ating paglilingkod. Kailangang gumanti tayo ng utang na loob sa mas malaking lipunan." Aniya pa, "Ang lahat ng iniaalay natin sa mas malaking lipunan ay dapat na nagmumula sa pagtanaw ng utang na loob… Kailangang tumulong at makiisa tayo sa mga kababayan nating naghihirap ang kabuhayan. Umisip at gumawa tayo ng mga paraan para alalayan at tulungan sila. Kalingain natin sila nang buong katapatan." |
| Tunay na malasakit
Nang maglingkod bilang secretary general ng Federation of Filipino–Chinese Chambers of Commerce and Industry sa loob ng kulang–kulang dalawang taon, nagkaroon tayo ng pagkakataong makasama at maobserbahan nang malapitan si Amb. Ng, na siya noong presidente ng pinakamalaking samahan ng mga negosyanteng Tsinoy. At natanto nating tunay at marubdob nga ang malasakit niya sa Pilipinas at sa mga Pilipino, lalo na sa mga maralita. Kaya naman ang makasama siya´y itinuturing nating isang malaking karangalan at isang mahalagang yugto sa ating pag–aaral sa tao at lipunan. Nang dahil dito´y itinuturing natin siyang guro at kaibigan. Katunayan, noong umaga ng Hunyo 23, o dalawang araw pagkatapos na sumailalim siya sa maselang kidney transplant noong Hunyo 21, laking gulat natin nang tawagan niya tayo sa telepono, at sa boses na halatang nanghihina pa ay inilahad niya sa atin ang plano niya kung papaanong isusulong ang Gawad Kalinga nang mas malawakan sa komunidad na Tsinoy. Sinabi niya kung aling mga samahan ang gusto niyang manguna, kung paano isasagawa ang pangangalap ng pondo, at kung saan itatayo ang mga bahay. Sinabi man natin sa kanya na saka na kami mag-usap pag malakas–lakas na siya at puede nang madalaw sa bahay, hindi siya napapigil na ilahad ang plano. Tunay nga na siya´y isang taong mainipin at nagmamadali sa pagtulong sa kapwa! |
| Ang mag–asawang Bangayan
Dito´y karapat–dapat banggitin na bukod sa suportang pinararaan sa Kaisa, tumutulong din si Amb. Ng sa Gawad Kalinga sa pamamagitan ng A Living for Christ Foundation (ALCF) na pinangungunahan ng mag-asawang Dr. Teofilo Bangayan at Shirley Bangayan (Pinoy na Pinoy man ang pangalan, sila´y siyento por siyentong mga Tsinoy), na nakapagpatayo na ng marami´raming GK village sa Bagong Silang, Caloocan, sa Novaliches, sa San Andres, Manila at iba pang mga pook. Gaya ng Kaisa, sa komunidad na Tsinoy nanggagaling ang pondong ginagamit ng ALCF sa pagpapatayo ng mga GK village. Kabilang sa mga pangunahing donor si Dr. Angelo King, na matalik na kaibigan at tagasuporta rin ng Kaisa. At lalong karapat–dapat banggitin na ang ALCF sa pangunguna ng mag–asawang Bangayan ang nagpatayo ng mga unang GK village sa Bagong Silang, ang pinakamalaking depressed barangay sa bansa (umaabot sa 700 libo ang populasyon) noong 1996. Masasabi kung gayon na sila ang nagpasimuno sa Gawad Kalinga, na ngayo´y isa nang pambansang kilusan. |
| Tulong–tulong sa pagtulong
Bago natapos ang panunungkulan ni Amb. Ng bilang presidente ng Federation, hinikayat niya ang mga kasapi ng samahan na sumuporta sa Gawad Kalinga. Inumpisahan niya ito sa pagbibigay ng pondo para sa 30 yunit. Maraming nagsunuran at umabot sa 240 yunit ang kabuuang nakalap. Kaya nga lang, nasimulan man ay hindi naisakatuparan nang lubusan ang proyekto pagkatapos ng kanyang panunungkulan, kung kaya´t naantala ang pagsulpot ng mga kabuti. Ang magandang balita´y pumirma kamakailan ng MOA ang Federation at Kaisa, at pagkuwa´y ang Federation at ALCF. (Ang Kaisa at ALCF naman ay mahigit isang taon nang nagkasundong magtutulungan sa Gawad Kalinga at iba pang proyekto). At dahil nagkasundong magtulong-tulong sa pagtulong ang tatlong samahang Tsinoy, tiyak na susulpot ang mas marami pang mga kabuti. Tungkol pa rin sa paglahok ng mga Tsinoy sa Gawad Kalinga, tinext natin kamakailan si Cecilio Pedro (sertipikadong Tsinoy din siya kahit tunog Pinoy ang pangalan), kilala bilang Mr. Hapee Toothpaste, para kumustahin ang popondohan niyang GK village na itatayo malapit sa NAIA. Hindi pa naipapakita sa kanya ang plano, ganting text niya. Sayang, naisip natin. Mukhang maaantala ang pagsulpot ng mga kabuti sa bahaging iyon ng kalunsuran. |
| Yaong gugustuhing tirhan
Sa awarding ceremonies ng Dr. Jose Rizal Awards for Excellence sa Awat Keng Auditorium sa Kaisa–Angelo King Heritage Center noong hapon ng Hunyo 19, nagkita sa unang pagkakataon sina Mayor Barcelona at Amb. Ng. Kapwa sila awardee. Ang mayor ay para sa public service. Ang ambassador nama´y para sa lifetime achievement. Gayong nagkita nga sa unang pagkakataon ay nag–usap sila na parang matagal nang magkaibigan pagkatapos na ipakilala natin sila sa isa´t isa. Pinasalamatan ng mayor ang ambassador sa tulong nito sa GK village na itinatayo sa Escalante, at iniabot ang isang kumpletong ulat tungkol sa progreso ng proyekto, kumpleto sa litrato ng mga bahay na natapos na, mga bahay na tinatapos pa, at site development. Tuwang–tuwa namang pinasadahan ng ambassador ang ulat. Ito palibhasa ay tanda ng masinop at episyenteng estilo sa trabaho ni Mayor Barcelona. Nangako ng buong suporta si Amb. Ng sa GK village sa Escalante, kasabay ng pagsasabing kailangang maging maayos na maayos ang pagkakagawa ng mga bahay. At mariing sinabi niya, "Hindi tayo dapat nagbibigay sa iba ng bahay na tayo mismo´y hindi gugustuhing tirhan." Iyo´y pangungusap na minsan pa´y nagpapakita sa katapatan niya sa pagtulong sa kapwa. At iyo´y labis-labis na umantig sa aming mga kausap niya. Tatlong araw pagkaraan ng pag-uusap na iyon sa opisina ng Kaisa, ipinasa sa atin ni Lily Go ang text sa kanya ni Mayor Maymay (palayaw ni Mayor Barcelona): "Amb. Ng is a great man and leader with a big heart!" Ngayo´y panay-panay pa rin ang text ni Lily Go. Iniuulat ang mabilis na progreso ng GK village sa Escalante. Ibinabalita ang paghahandog sa mga bahay na natapos na. Ikinukuwento ang pakikisalamuha ni Mayor Barcelona at mga kasapi ng Negros Kaisa sa mga taga-Escalante. |
| Source: Tulay Fortnightly, July 5, 2005 BACK HOME |