Mga Kwento ng Buhay sa Alay Medisina
By Anabel Chua
Eleven na ang Kaisa, imagine! Sabi nga ng kapatid ko kapag binibiro ang nakababatang pinsan, “Dati, ako lang ang 11, ngayon dalawa na tayo, grabe.” Pero ganyan naman talaga, di ba? Lahat tumatanda, pati organisasyon, kasali. Basta lang siguro huwag sayangin ang mga taon. Kailangan lang na may nagagawa tayong nakapagpapabuti sa mundo natin.
At diyan siguro hindi na maaaring tawaran ang mga nagawa ng Kaisa. Isa na rito ang pinaka-unang proyekto na isinagawa mula pa noong 1988, ang Alay Medisina, na nailunsad sa tulong ni Mr. Sy Lin Kiat. Kahit yumao na si Mr. Sy Lin Kiat, siguradong natutuwa siya at tuloy pa rin ang programang ito hanggang sa kasalukuyan.

Isinasagawa ang Alay Medisina tuwing Martes ng hapon. Ang mga kasapi ay pumupunta sa Philippine General Hospital upang kunin ang listahan ng mga pasyenteng mabibigyan ng libreng gamot. Madalas na labindalawa hanggang labintatlo ang bilang ng mga pasyenteng inirerekomenda ng Medical Social Service ng PGH. Pagkabili sa mga gamot ay ibibigay na ito mismo sa pasyente.

Kung isusulat siguro ang mga kuwento ng lahat ng natulungang pasyente ay makasusulat na tayo ng ilang nobela — mga kuwento ng paghihirap at kawalan ng pag-asa, ng pagkabigo at trahedya, ng pagbangon at muling pag-asa. Mga kuwento ng buhay.

Naisip tuloy natin kung paano naaapektuhan ang mga nagbo-volunteer pag nahaharap sila sa mga ganitong sitwasyon at ano ang ginagawa nila.

Chaty: May isang pasyente na walang bantay. Ang pagkain niya ay walang takip at nakita kong palapit na ang pusa dito. Dali-dali ko itong sinaway at saka ko inilipat ang pagkain. Hirap magsalita ang pasyente pero pinasalamatan pa rin niya ako. Yung naramdaman kong tuwa, tumagal nang buong araw. Ibang klase talaga.

Megan: Mahirap pag bata ang pasyente, nakakaawa. Kahit hindi tayo dapat maging pusong mamon, minsan nadadala rin tayo. May isang nanay ng pasyente sa katabing kama ng ating bibigyan ng gamot ang nagmakaawa at humingi ng tulong. Kahit ayaw sana nating pagbigyan ito at baka lahat ng nandoon ay humingi rin ay binigyan natin sapagka’t kailangan ng bata ang gamot. Ibinili na lang natin mula sa sariling bulsa. Mula nga lang noon ay medyo ayaw na nating pumunta sa ward ng mga bata at baka masira ang sistema na sinusunod sa pagbibigay.

Evelyn: May isang pasyente na na-colostomy. Ito’y isang surgical procedure kung saan may tubong ikokonekta sa colon para maging labasan ng dumi. Nandoon siya sa PGH dahil nagkarooon siya ng infection. Habang ibinibigay natin ang gamot ay nakipag-usap tayo sa kanya at sa asawa. Hinihintay lang daw ng doktor na lumakas siya at tatanggalin na ang tubo na ikinabit tatlong buwan na ang nakaraan. Dahil nga sa infection ay matatagalan na naman ang paghihintay niya. Sa kagustuhang makapagpa-lakas ng loob nila ay biniro natin siya tungkol sa tattoo na nasa braso. “Siguro, siga ka dati,” sabi natin. Hindi naman daw, katuwaan lang daw iyon. Hindi ko tuloy matantiya kung katuwaan lang para sa kanya ang sinabing sila naman ang magdo-donor pag nakabangon sila mula sa kahirapan. Bilang sagot, sinabi natin na hindi naman habang buhay itong mangyayari sa kanila, na paikot-ikot lang naman ang mundo. Malay mo...

Marami pang kuwento, tulad ng kay Mr. X at Madam X. Mga pasyenteng ni hindi alam ang nangyayari sa kanila, mga taong kinalimutan na ng mga kapamilya at wala man lang nakakakilala. Ano ba ang masasabi natin tungkol sa kanila?

Pero may mga kuwento rin naman na punong-puno ng pag-asa tulad ng isang teenager na may sakit sa buto. Kahit na maaaring maging matagal pa ang proseso bago siya gumaling ay tinatanggap niya ito at hindi siya nagpapatalo. Nakakausap siya nang maayos at siya pa ang nagpapaliwanag ng mga operasyon na kailangan pang gawin sa kanya.

Anupa’t sa paghahangad na makatulong kahit paano, ang ating mga kasapi ay namumulat at natututo mula sa mga kuwento ng buhay na nakakaharap nila. Huwag nang banggitin pa ang pag-asa at kagalakang napapasakanila.

Kaya hanggang kaya, tuloy pa rin ang Alay Medisina!

Source: Tulay Fortnightly, Aug. 18, 1998
BACK